WPH_NEWS_Kampise_Edu
Picture of Samantha Joy Edu

Samantha Joy Edu

Author

Tradisyong Walang-Maliw: KamPiSe at Palarong Pinoy 2023

Masayang ipinagdiwang ng mga Setonian ang pagbabalik ng tradisyonal na Kamayan at Pistahan sa Seton (KamPiSe) ngayong taon na may temang “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan” noong ika-29 ng Agosto. Muli ring naranasan ng mga mag-aaral ang pagdaraos ng Palarong Pinoy noong ika-30 ng Agosto kung saan nagkaroon ng iba’t-ibang aktibidad ang bawat baitang. 

Martes, Agosto 29. Nagsimula ang araw sa pagdaos ng Misa ng Pasasalamat mula 8:00 hanggang 9:00 nang umaga. Matapos ang misa ay ibinida naman ng mga mag-aaral ang kani-kanilang mga natatanging kasuotang Pilipino sa Parada ng Lahi. 

Ang programa para sa Parada ng Lahi ay pinangunahan ng mga tagapagdaloy na sina G. Eric Sico at Gng. Sherina Maymay. Samu’t-saring mga pampasiglang bilang din ang natunghayan sa programa at kabilang na rito ang pagsayaw ng Subli at Karatong ng mga piling mag-aaral sa pamumuno ni G. Dante Vargas, pag-awit ng ilang mga mag-aaral mula sa ESS Chorale sa pangunguna ni G. Jonathan Capito, at ang nakaeengganyong pagtatanghal ng Banda ng Musiko mula sa Lungsod ng Dasmariñas.

Naglaan din ng oras para sa panunumpa ng mga may katungkulan sa Grade School Student Council, High School Student Council, at Family Council bilang takda ng kanilang panimula sa Taong Panuruan 2023-2024.

Ang natitirang oras ay inilaan para sa KamPiSe kung saan nagsalo-salo ang mga mag-aaral sa kani-kanilang mga silid kasama ang mga magulang na ngayon lamang muli nakabisita upang dumalo sa pagdiriwang.

Miyerkules, Agosto 30. Isa rin sa mga aktibidad na kababalik lamang matapos ang ilang taon ng mga online at hybrid na pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay ang pagsasagawa ng Palarong Pinoy. Bawat dibisyon mula primarya hanggang sa mataas na paaralan ay nagkaroon ng kani-kanilang mga palaro at paligsahan kung saan nag tapat-tapat ang mga mag-aaral sa loob ng kanilang dibisyon. 

Kabilang sa mga larong isinagawa ng mga mag-aaral sa primaryang antas ang bato-bato pick, tumbang preso, guhit salita, at pabitin. Ang antas ng elementarya naman ay mayroong mga gawain tulad ng t-shirt relay, tamaang bola, ibulong mo, saluhang Itlog, tsinelas relay, sipa, at tumbang preso, habang ang mataas na paaralan ay nagkaroon ng mga palaro tulad ng luksong tinik, Chinese garter, karera ng alupihan, kadang-kadang, calamansi relay, at longest line.

Naging matagumpay ang pagdaraos ng KamPiSe at Palarong Pinoy ngayong taon bunga ng pagsisikap ng mga nag-organisa ng mga programa at gawain lalo na ang Kagawaran ng Filipino. Ang mga ganitong gawain at pagdiriwang ay kabilang sa mga hakbang ng paaralan upang mas mamayagpag ang pagmamahal at pagpapahalaga ng mga mag-aaral sa sariling wika.

Facebook
Email
Print