Jillian Clarisse Ramirez
Author
Juliana Colleen Consorio
Photographer
Yzzabel Paola Gache
Layout Artist
Pasinaya ng Buwan ng Wikang Filipino sa ESS
Ang simula ng buwan ng Agosto ay sumisimbolo sa umpisa ng bagong taong panuruan sa paaralang Elizabeth Seton-South (ESS-South). Subalit, hindi lamang ito ang nag-uudyok ng paghahanda sa mga Setonian sa buwan ng Agosto, sapagkat sa pagkakataong ito, binibigyang-pansin din ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa; at bilang pambungad sa okasyon at mga nakalaan na gawain, itinatag ang Pasinaya noong ika-15 ng Agosto, sa unang umagang asembleya ng Taong Panuruan 2023–2024.
Martes, alas-otso nang umaga nang inilunsad ng Kagawaran ng Filipino ang opisyal na paggunita sa Buwan ng Wikang Filipino. Nagpulong sa Catherine Seton Square ang mga mag-aaral at empleyado ng ESS-South upang matunghayan ang inagurasyon na pinangunahan ng mga tagapagdaloy na sina Clarence Faye Malaki ng 11-ABM at Jillian Clarisse Ramirez ng 12-ABM.
Ang pambungad na seremonya na pinangunahan ng mga mag-aaral ng Baitang 12-ABM/HUMSS ay isinagawa bilang pagbubukas sa programa. Ang panalangin sa araw na ito ay sinaliwan ng isang sayaw interpretasyon nina Leigh Margeaux Sarne at Margaret Haley Garcia mula sa Baitang 7, at binigyang dasal tugon ng mga mag-aaral ng elementarya sa iba’t-ibang wikang Filipino. Ang Pambansang Awit ng Pilipinas naman ay inawit ng koro ng paaralan sa kumpas ni Bb. Kristine De Guzman.
Pagkaraan ay nagbigay ng kanyang talumpati si Gng. Nenet L. Ayson bilang pormal na pagsalubong sa selebrasyon. Sumunod ang intermisyon kung saan napuno ang entablado ng masisigabong tugtugin na sinabayan ng mga mananayaw ng CNRG, ang sayaw kapisanan ng paaralan. Nang magwakas, ibinunyag sa mga manonood ang tema ng Buwan ng Wikang Pambansa para sa taong ito na pinamagatang “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.”
Sa pagkakataong ito, ang tagapag-ugnay ng Kagawaran ng Filipino na si Gng. Anna Lyn Lara ay nagbahagi ng kanyang talumpati at inanunsyo ang mga paligsahan na gaganapin sa iba’t ibang baitang para sa Araw ng Filipino. Ito ay nakatakdang isakatuparan noong ika-30 ng Agosto, subalit ay naudlot bunga ng masamang panahon. Kung kaya, inilipat ang mga nasabing kompetisyon sa ika-4 ng Setyembre para sa hayskul, at ika-8 para sa primarya at elementarya. Kabilang sa mga aktibidad ay ang pinaka-inaabangang timpalak ng Sabayang Pagbigkas ng pitong mga Tahanan, kung saan ay nagtagumpay ang Bahay ng San Pedro Calungsod para sa unang pwesto, Bahay ng San Santiago sa ikalawa, at Bahay ng San Pablo para sa ikatlo.
Matapos pukawin ang interes at pagkasabik ng mga manonood sa mga inihayag na gawain ay sunod-sunod nang itinanghal ang umaapaw na talento ng mga Setonian. Kabilang na rito ang isang malikhaing pagkukwento ni Christine Jemaine Hocamis mula sa 3-Kalaw, isang madamdaming awitin ni Celin Monica Arellano ng 5-Bidasari, at isa pang espesyal na bilang ng CNRG. Bilang pagtatapos, muling inanyayahan si Bb. De Guzman at ang koro ng paaralan sa pag-awit ng himno ng ESS-South.
Ang pagdaraos ng Buwan ng Wika ngayong taon ay ang unang pagkakataon sa mahabang panahon na ganap na lumihis ang paaralan mula sa mga birtwal na plataporma upang buong-kasanayang maranasan ang pagpupugay sa natatanging okasyon. Hangad ng mga Setonian mula noong pandemya na lasapin muli ang panahon ng maliligayang samahan at mga halakhak na walang takip sa mga mukha, at bagaman naging mabato ang lakbay ay muli nating napasakamay ang karanasang ito. Ang tagumpay ng pagdiriwang ay tiyak na bunga ng mga tauhang nagtiyagang maigi upang tuparin ito, kaya’t mabuhay ang Kagawaran ng Filipino, mabuhay ang mga Setonian, at mabuhay ang mga Pilipino!