Keshia Gayoso
Header Artist
Ang Buwan ng Wikang Pambansa na mayroong temang “Filipino at mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino” ay idinaos noong Agosto 23-31 sa Elizabeth Seton School-South.
Lunes. Noong Agosto 23, 2021, ang pasinaya ng Linggo ng Wika ay inilunsad sa pamamagitan ng isang Misa ng Pasasalamat sa ganap na 8:30 ng umaga, na ini-livestream ng mga tagapayo sa bawat seksyon gamit ang kanilang Homeroom link. Pagkatapos ng Banal na Misa, ginanap naman ang Parada ng Lahi mula 9:30-11:00 ng umaga. Ang naturang programa ay isang aktibidad kung saan nasaksihan ng mga mag-aaral ang mga Lakan at Lakambini mula sa bawat seksyon at House.
Matapos ng pagtatanghal, bumalik ang mga mag-aaral at guro sa kanilang Homeroom link para ipagdiwang ang KAMPISE. Ang bawat mag-aaral ay naghanda ng pagkaing Pinoy na kanilang ibinahagi sa klase para sa isang aktibidad na pinamagatang “Pinas Sarap (Seton Way)”. Ang layunin ng gawaing ito ay bigyang diin ang kahalagahan ng pagkaing Pinoy sa ating kultura at pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.
Martes at Miyerkules. Dumalo sa regular na klase ang mga mag-aaral sa mga sumunod na araw. Naghanda ang mga guro sa Filipino ng mga gawain na may kinalaman sa Buwan ng Wika. Ang mga gawain ay nakatulong upang mas malinang ang mga kakayahan ng mga mag-aaral na ipahiwatig ang kanilang mga sarili sa Wikang Filipino at mas mapagyaman nila ang kanilang pagpapahalaga para dito.
Huwebes. Noong Agosto 26, 2021, inatasan ang mga mag-aaral sa ika-7 na baitang na magsagawa ng gawain sa silid-aralan na pinamagatang “Thematic Virtual Design”. Pagkatapos nito, ang mga mag-aaral naman sa ika-8 na baitang ay inatasan na magsagawa ng aktibidad na nagngangalang “Maikling Pagkukuwento”, habang ang mga estudyante naman sa ika-9 na baitang ay nakibahagi sa isang aktibidad na pinamagatang “Lapat Wika sa Isang Awitin”.
Biyernes. Kinabukasan, ang mga mag-aaral mula sa baitang 7 at 9 ay ipinagkalooban ng pagkakataon na makasaksi ng isang paligsahan ng “Spoken Poetry”. Maya-maya, ang mga mag-aaral naman mula sa ika-10 na baitang at Senior High School ay dumalo sa isang educational forum ni G. Voltaire M. Villanueva, Ph.D. patungkol sa “Ugnayang Wika, Kultura at Lipunan sa Paghubog ng Kabataang Makabayan” sa online na platapormang Zoom.
Wakas. Sa pagwawakas ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa noong Agosto 31, 2021, nanood ng isang video presentation ang mga mag-aaral bilang paggunita sa mga pangyayari at aktibidad na nangyari sa nakaraang linggo. Sa kabila ng mga hadlang na dala ng distansyang pag-aaral, nakahanap pa rin ng paraan ang mga Setonian na maisagawa ang selebrasyon ng KAMPISE.
Sa pamamagitan ng mga makabuluhang gawain, pagtatanghal, at mga seminar, nalinang ng online na pagdaraos ng Linggo ng Wika ang kadalubhasaan at paggalang ng mga mag-aaral sa ating wikang pambansa. Ang Kamayan at Pistahan sa Seton ay isang tunay na matimbang na tradisyon sa kulturang Setonian na naipapakita ang katapatan ng ESS-South sa kanilang pananaw at misyon, na humulma ng mga marangal at responsableng mamamayan na ipinagmamalaki ang kanilang kultura at pagkakakilanlan bilang isang Pilipino.