Jillian Clarisse A. Ramirez

Author

Hybrid KamPiSe 2022 ng ESS idinaos

FACEBOOK
EMAIL
PRINT

Kerry Robert B. Arguelles

Photographer

Ipinagbunyi ng mga Setonian ang face-to-face at birtwal na Kamayan at Pistahan sa Seton (KamPiSe) ngayong taon sa temang “Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Paglikha at Pagtuklas.” Kalakip ng unti-unting pag-transisyon sa ligtas na balik-eskwela ay ang marahang pagbabalik ng tradisyonal na pangangasiwa ng mga programang pampaaralan sa ESS, at kasama rito ang pagpaparangal sa Buwan ng Wikang Pambansa na inilunsad noong Agosto 22 hanggang Setyembre 2. 

Yzzabel Paola D. Gache

Header Artist

          Lunes, Agosto 22. Ibinunsod ng pasinaya ang selebrasyon sa CSS at dinaluhan ng mga mag-aaral sa Baitang 3, 4, at 9 hanggang 12 sa kanilang pang-umagang pagpupulong. Dito itinampok ang pambungad na talumpati ng punong guro, Dr. Roland Niño Agoncillo, at ang mga serye ng pagtatanghal na kinabibilangan ng Spoken Word Poetry ni Lindsay Jaden Serrano mula sa 9-Our Lady of Fatima at ang espesyal na pagganap ng magkapatid na Luis at Leiza Buitizon. Dito rin isiniwalat ang tarpaulin na naglalarawan ng pagsalubong sa Buwan ng Wika. Ang mga natirang baitang na naka-Homebased Virtual Learning Program (HVLP) ay nanood ng bidyo kaugnay sa okasyon sa kanilang Getting Ready period sa Zoom.

          Martes, Agosto 30. Dumalo ang mga mag-aaral na naka-iskedyul para sa In-Person Session (IPS) sa misa ng pasasalamat na ginanap nang 8:30–9:30 ng umaga. Ang mga estudyanteng hindi bahagi ng asembliya ay tinunghayan ang misa sa isang live stream sa Facebook page ng paaralan. Pinaglaanan din ng oras matapos ang misa ang inagurasyon at seremonya ng panunumpa ng mga bagong kawani sa Supreme Student Council, Grade School Student Council, at Family Council

          Ang mga mag-aaral sa Primary at Baitang 9–12 ay nagsuot ng Filipiñana para sa Parada ng Lahi, isang pagkilala sa payak na kariktan ng kasuotang katutubo na isinakatuparan sa pagsapit ng 9:50 at natapos nang 11:00 ng umaga. Ang mga naturang kinatawan ng bawat House ay umakyat sa entablado ng CSS para sa pagmamasid, pagpupuna, at paghihirang ng pinakamahusay na Lakan at Lakambini. Bago inanunsyo ang mga nanalo, isiningit sa programa ang mga intermisyong tanghalan na sumasalamin sa kulturang Pilipino. 

          Masigabong ibinunyag pagkatapos ang mga nagwaging Lakan at Lakambini: Nakamit ng House of Saint John XXIII ang unang pwesto na kinatawan nina Nathaniel Julao at Honey Michieco Pantollana, sinundan naman ito nina Enzo Raphael Rugas at Charlize Lara mula sa House of Saint Paul, at sumunod naman sa pangatlong pwesto sina Carl Jin Buenaventura at  Brianna Julienne Villena ng House of John Paul II. Ang mga mag-aaral na nasa Zoom ay nagkaroon ng birtuwal na Palarong Pinoy habang idinaraos ito.

          Ipinagkaloob sa KamPiSe ang sumunod na oras. Ang mga seksyon ay nagpulong sa kani-kanilang mga klasrum upang sabay-sabay na tamasahin ang kaniya-kaniyang dalang putaheng Pinoy. Bilang higit na pagpapahalaga sa pagkaing sarili, inatasan ang mga grupong mag-aaral na makibahagi sa aktibidad na tinawag na “Pinas Sarap (Seton Way)” upang mapukaw ang interes ng bawat isa sa iba’t ibang pagkaing Pinoy na tanyag o kakaiba sa pamamagitan ng paglalahad nito sa klase.

          Miyerkules, Agosto 31. Kinabukasan, ang mga mag-aaral ay nasa Zoom nang pinanood ang mga pelikulang lokal. Pagkatapos, ang mga estudyante ay gumawa ng samu’t saring gawain sa asignaturang Filipino.

          Huwebes, Setyembre 1. Itinalaga ng mga guro ang araw na ito sa pagpapagawa ng inihanda nilang mga aktibidad para sa lahat ng mag-aaral. Ito ay alang-alang sa pagsulong ng katutubong wika, tulad na lamang ng pagtutula, pagkanta, paggawa ng paskil, at ang panonood at panghuhusga ng mga TikTok video na nilahukan ng Baitang 11–12. Ang mga mag-aaral na kabilang sa mga baitang na ito ay nakinig rin sa isang seminar ukol sa wika at ang kahalagahan nito na pinangunahan ni Ginoong Arvin Jasper P. Villanueva, isang propesyonal na guro sa Filipino at ang inimbitahang tagapagsalita para sa kumperensyang itinanghal sa Zoom.

          Biyernes, Setyembre 2. Bilang paghahantong ng kanilang selebrasyon, ang mga baitang 7 at 8 na naka-iskedyul para sa IPS ay ginanap ang kanilang Parada ng Lahi at KamPiSe sa araw na ito. Ang ibang baitang na hindi kabilang dito ay pumasok naman sa Zoom links ng kani-kanilang seksyon upang magsagawa ng mga huling itinakdang gawain tulad ng “Sayaw Galaw sa Saliw ng Musikang Pilipino (Morning Exercise using OPM)” at pakikisali sa sari-saring Palarong Pinoy tulad na lamang ng jackstone, dampa, at birtwal sungka.

          Isang napakalaking kaginhawaan ang makaranas muli ng ilang patak ng normalidad matapos ang mahigit dalawang taong paghihintay sa sari-sariling mga tahanan. Inaalok ang isang malaking pagbati para sa mga tauhan at katiwala na nag-organisa at nakibahagi sa tagumpay ng mga programang ito sa kabila ng pag-uudlot dulot ng pandemya sa ating mga kilos. Ang mga pagdiriwang tulad nito ay isa sa mga umuudyok sa bansag ng animo Setonian at Filipino na nagpupugay sa ating layuning makabayan.