Zeanna Joson
Author
Shaina Joy Fabian
Artist
Taho!
“Taho! Taho!”
Sa kabila ng ingay sa mga kalsada, sa kwentuhan ng mga magkakapitbahay, sa masasayang tili ng mga batang naglalaro ng piko at habol-habulan, nangingibabaw pa rin ang tinig ng malakas na baritonong boses ng naglalako kasabay ng matining na tunog ng munti niyang kampana. Ayan na siya, siyang nagdadala ng mainit na inumin na puno ng tamis at sarap.
Siya si Mang Miguel, ang naglalako ng taho mula umaga hanggang hapon. Dahil hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral ng kolehiyo, ang paglalako ang kanyang naging kabuhayan. Ito rin ang naging daan para makapag-aral ang kanyang anak na si Norma.
“Papa, sama ako sayo,” wika ng kanyang anak.
“Huwag na ‘nak at sobrang init sa labas,” sinabi ni Mang Miguel.
“Sige na po, Papa! Nais kong samahan ka sa paglalako,” pagpilit ni Norma.
“Hay nako, makulit ka talaga! Ay siya, sige na nga at ‘di kita matiis! Magdala ka ng payong mo, anak.”
Araw-araw sila magkasamang naglalako ng taho sa masikip na eskinita sa Pasig. Isang araw, napadaan sila sa hilera ng matataas at magagandang mga gusali.
“Papa, tignan mo yung gusali na yun oh!” masayang wika ni Norma. “Gusto ko magtrabaho sa mga ganyang lugar!”
Napangiti si Mang Miguel sa anak. “Huwag ka mag-alala anak, at balang araw makapupunta ka rin diyan. Basta’t magsikap at mag-aral ka nang mabuti para matupad mo lahat ng pangarap mo.”
Labing-limang taon na ang nakalipas, labing-siyam na si Norma at nakapagtapos na siya ng kolehiyo. Si Mang Miguel naman ay naglalako pa rin ng taho para may panggastos sila sa bahay.
Sa paglipas ng panahon, hindi na nakukuntento si Norma sa simpleng buhay na kasalukuyang binigay sa kanya ng kanyang ama. Hinahangad niya rin ang magarbong buhay na mayroon ang mga katrabaho niya. Nais niya rin maranasang makapagsuot ng mga mamahaling damit, makikinang na alahas, at makabili ng lahat ng kanyang gusto. Ngunit hindi niya magawa ito dahil sapat lamang ang perang naiipon ni Mang Miguel sa paglalako.
“Hay, kung hindi lang sana mantataho ang aking tatay, e’di sana nagagawa ko ang lahat ng aking gusto. Nakakasawa nang mabuhay ng ganito,” malungkot na naisip ni Norma.
Napansin ni Mang Miguel ang paglayo ng loob ng kanyang anak sa kanya. Para mabawi at mapasaya siya, naisip niyang regaluhan ito ng bagong sapatos para may maisuot siyang maayos sa kanyang trabaho.
“Taho! Taho!” malakas niyang sigaw.
Habang naglalako si Mang Miguel ng taho, siya ay nakakita ng mga taong nakasuot ng mask sa ibabaw ng kanilang mga bibig at halos lahat ng mga tindahan ay sarado na. Ito’y hindi niya masyadong binigyang pansin hanggang sa may nadaanan siyang tv sa loob ng tindahan.
“Inaasahang manatili na lamang sa bahay para di mahawa sa nakakatakot na sakit na Coronavirus” narinig niyang sinabi ng nag-uulat sa telebisyon.
“Naku, delikado na pala lumabas ngayon,” nasabi ni Mang Miguel sa sarili. Pumasok sa isip niyang umuwi ngunit nagbago ang kanyang desisyon ng pumasok sa kanyang isip si Norma. “Kailangan kong maubos itong aking mga paninda para mayroon akong pambili ng sapatos ni Norma.”
At kanyang pinagpatuloy ang paglalako. “Taho! Taho!”
Umuwi si Mang Miguel dala ang pera na nakuha niya sa paglalako ng taho. Sasalubungin niya dapat ang anak ngunit siya’y nagulat ng padabog na isinara ni Norma ang pinto ng siya’y makauwi. .
“Ugh, nakakairita!” galit na sambit ni Norma.
“Bakit anak? Anong nangyari sa araw mo?” nag-aalalang tinanong ni Mang Miguel.
Sinamaan ng tingin ni Norma ang kanyang ama.
“Bakit?! Bakit ako nagdadabog?! Paano ako hindi magdadabog, hindi magagalit, kung hanggang ngayon, ganito pa rin ang ating bahay, ang aking mga damit, ang aking buhay? Sawang-sawa na ako maghirap! Hindi ko naman ginusto ‘to! Hindi ko ginusto na manlalako lang ng taho ang ama ko!”
Napayuko na lamang si Mang Miguel sa hiya sa mga sinabi ng kanyang anak.
Kinabukasan ay naglalako parin si Mang Miguel sa mga kapitbahay para maging sapat na ang kanyang ipon upang mabilhan ng sapatos si Norma kahit alam ang panganib na kapalit nito.
“Taho! Taho!”
Si Mang Miguel ay biglang nanghina at nahirapan huminga. Gayunpaman, dumiretso pa rin siya sa opisina ng kanyang anak dahil sa wakas, bitbit na niya ang sapatos na kanyang pinag-ipunan para kay Norma.
“Magandang umaga! Hinahanap ko lang ang aking anak na si Norma. Narito ho ba siya?” wika ni Mang Miguel sa isang sekretarya ng opisina.
“Saglit lang po, sir. Ipapatawag ko na po.”
Nakita ni Norma na naghihintay ang kanyang ama sa labas ng kanyang pinagtatrabahuan, ngunit hindi niya nilapitan ito dahil siya ay nahiya at naisip na baka makita siya ng kanyang mga kasamahan sa trabaho.
“Ma’am, inaantay na po kayo ng tatay niyo,” ipinaalam sa kanya.
“Norma—” sigaw ni Mang Miguel.
“Huh? ‘Di ko ‘yan tatay,” tugon ni Norma at walang pag-aalinlangang nilampasan ang ama.
Nagulat si Mang Miguel sa sinabi ng anak at naisipang baka ayaw lamang niya mapahiya sa kanyang mga katrabaho.
“Ay, pasensya na po. Nagkamali lang pala ako ng tinawag. Iwan ko nalang dito ang aking ibibigay,” sabi ni Mang Miguel at umuwi na lamang.
Mabilis na dumaan ang araw at natapos na rin si Norma sa trabaho. Siya ay patagong pumunta ng lobby at kinuha ang iniwan ng tatay. Binuksan niya ang kahon at nagulat nang makitang may laman ng itong sapatos at nakatuping papel sa loob. Agad niyang binasa ang mensahe na iniwan ng kanyang ama.
“Pagpasensyahan mo anak at ito lang ang nakaya kong bilhin na sapatos. Pasensya na rin at ‘di nakapagtapos ng pag-aaral si itay, kaya’t ang paglalako ng taho na lamang ang naging aking kabuhayan. Patawad at hindi kita nabibilhan ng magagarang damit at makikinang na diamante na gusto mo. Naaalala mo pa ba ang gusali na ito nung bata ka pa? Habang naglalako tayo ng taho, sinabi mo sa’kin na gusto mo magtrabaho sa gusali na ito. Ngayon, anak, natupad mo na ang pangarap mo. Maraming salamat at napapasaya mo si Papa. Sana’y sa munting regalo na ito, napasaya rin kita. Mahal na mahal ka ni Papa.”
Agad umuwi si Norma habang naiyak.
“Itay! itay!!” malakas na tinawag ng anak habang humahagulgol.
“Taho! Taho! Taho—”
At sa unang pagkakataon, ang malakas na baritonong sigaw ng mahal na manlalako ng taho ay naputol at sinundan ng katahimikan. Bumagsak si Mang Miguel na walang kamalay-malay na nahawaan ng nakamamatay na Coronavirus.
More to explorer
Third World Romance: The Real Filipino Love Story
“Kahit pasukuin pa tayo ng sistema, ng buong mundo, ilalaban kita! Lalaban ako, kasama mo.” For us Filipinos, the portrayal of romance in the
Teachers’ Day Program: A Breath of Fresh Air for Setonian Educators
To acknowledge the diligence and alleviate the stress of the Elizabeth Seton School – South educators, allowing them a breath of fresh air and an
Grand Rosary Rally 2023: United in Faith and Justice
Elizabeth Seton School-South (ESS-South) held its Grand Rosary Rally along with the Marian Procession on Friday, October 13, 2023, celebrating the theme: Unity of Prayer,