01LITERARYHEADER
Picture of Juliana Maria Naval

Juliana Maria Naval

Author

TAN—AKALA

Facebook
Email
Print

Bawat salitang lumalabas sa bibig
Mga pagsuyo ay nanatiling masigasig
Sa kanyang mga pangako’y nanalig
Kaya puso’y patuloy lumigalig

Humanga ‘pagkat siya’y kakaiba
Ako raw ay kanyang isasalba
Humupa ang mga pangamba
Kaya “oo” ang isinagot sa kanya

Binalaan nila akong mag-ingat
At maghanda sa paglalim ng mga sugat
Ang aking mga mata ay mulat
Ngunit paningin ko raw ay salat

Sila’y hinayaang magsalita
‘Pagkat sa kanya pa rin ang aking tiwala
Mga araw na lumilipas ay puno ng ligaya
Tila umaayon ang tadhana

Lumaon ay ‘di maunawaan
Uuwing duguan mula sa bawat alitan
Hihingi ng kapatawaran kinabukasan
Muling tatanggapin nang hindi pinag-iisipan

Mga pangako niya’y sariwa pa sa alaala
Subalit bakit ibinalik ang tanikala?
Siya ay naiiba, ang aking inakala
Ngayo’y luhaang ‘di makakilos nang malaya

Bulag sa kamalian, takot sa katotohanan
Ang dating kanlungan ay naging kulungan
Nanangan sa mga pangakong puno ng kapalaluan
Pag-asa ay nahanap sa maling katauhan

Marahil kaya tayo nilalapastangan
At hanggang ngayon, sigaw pa rin ay kalayaan

More to explorer